Miyerkules, Nobyembre 20, 2019

Ginawa ko nang titisan ang lata ng sardinas

lata ng sardinas ay ginawa ko nang titisan
nang matipon doon ang titis at upos na iyan
dapat din nating alagaan ang kapaligiran
na kung di mo malinisan ay huwag mong dumihan

ilagay sa titisan ang abo ng sigarilyo
simpleng bagay lang itong hinihiling ko sa iyo
anong paki ko kung sinusunog mo ang baga mo
basta ilagay mo sa tama ang upos mo't abo

ginagawa kong titisan ay ibinabahagi
sa kakilala kong sunog-bagang di ko mawari
di ko sila mapipigilan sa bisyong masidhi
ang payo ko lang ay ayusin ang kanilang gawi

ginawa ko nang titisan ang lata ng sardinas
nang magamit nyo't titis ay di kumalat sa labas
kaya munting payong ito'y aking pinangangahas
upang magandang kapaligiran ang namamalas

- gregbituinjr.

* titisan - salitang Batangas sa ash tray

Biyernes, Nobyembre 8, 2019

Bawal na raw ang plastik, anang pangulo

mga plastik daw ay ipagbabawal na ni Digong
sino pang makakausap niya sa kanyang kampon?
pagbabawal ba niyang ito'y isa lang patibong?
ang tumutuligsa sa kanya'y maging mahinahon?

ngunit sa paligid, kayraming naglipanang plastik
plastik na pulitiko ba'y kaya pang i-ekobrik
paano na siya pag pinagbawal na ang plastik?
ang aklat ng kasaysaya'y paano itititik?

ang pangulo na ba'y naging makakalikasan na?
lalo't napuno ang dagat ng plastik na basura?
patunayan niyang makakalikasan na siya
di lang plastik kundi Kaliwa Dam ay tigilan na!

sa isyung pangkalikasan, siya na'y nakialam
ngunit taumbayan ay dapat pa ring makiramdam
walang mga plastik, walang proyektong Kaliwa Dam
ngunit sa ngayon, mga ito'y pawang agam-agam

- gregbituinjr.